Pinaiimbestigahan ng tinaguriang Young Guns ng Kamara de Representantes ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) na pagawaan ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur na ginagamit ng mga Chinese upang palabasin na sila ay Pilipino.
Ayon sa ulat ng NBI, isang Chinese ang naaresto habang nag-a-aplay ng pasaporte sa Davao City gamit ang pekeng dokumento.
Nagpahayag ng pagkabahala rito sina Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, Zambales Rep. Jay Khonghun, Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Ako Bicol Rep. Jil Bongalon, La Union Rep. Paolo Ortega, 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez, at Inno Dy V ng Isabela at pinaiimbestigahan sa Kamara ang natuklasan ng NBI na may 200 pekeng birth certificate ang inisyu sa mga Chinese nationals ng local civil registry sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Ayon kay NBI SEMRO director Atty. Archie Albao, isang Hengson Lemosnero, na ang tunay na pangalan ay Hanlin Qiu, ay inaresto ng Department of Foreign Affairs office sa Ecoland, Davao City matapos mag-apply ng Philippine passport gamit ang pekeng birth certificate.
Si Qui, ay isa sa 200 Chinese nationals na nakakuha ng mga pekeng birth certificate mula sa municipal civil registry ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Iginiit ni Adiong ang kahalagahan na makilala ang mga kasabwat ng mga Chinese kaya malakas ang loob ng mga ito na magpanggap na mga Pilipino.
Ang panlolokong ito ayon naman kay Bongalon, isang abogado ay nakalulungkot at isang kawalang respeto sa pagkakakilanlan ng tao.
Ayon naman kay assistant Majority Leader Rep. Ortega, ang mga Chinese na gumagamit ng mga pekeng dokumento, partikular na ang birth certificate ay maituturing na banta sa seguridad ng Pilipinas.
Iginiit naman ni Dy, na ang mga ganitong ulat ay hindi dapat ipinagsasawalang bahala, kaya’t dapat nang kumilos ang Kamara.