BAGUIO CITY – Nananatili pa rin sa Surgical Intensive Care Unit (SICU) ng Baguio General Hospital and Medical Center dito sa Baguio City ang isa sa limang mga Chinese tourist na nagtamo ng multiple injuries matapos mahulong ang kanilang sinasakyang SUV sa isang bangin sa Daklan, Bokod, Benguet, hapon noong nakaraang Sabado.
Ayon kay PCapt. Ruben Tamiray, hepe ng Bokod Municipal Police Station, nasa SICU pa rin ang biktimang si Tao Wei.
Aniya, pawang nagpapagaling naman sa surgical ward ng kaparehong pagamutan ang apat pang turista na sina Cheng Wei, 29; Yan Kaihua, Ji Zilin at Zhu Yazhou.
Sinabi din niya na ang bangkay ng nasawing Pinoy driver na nakilalang si Jonathan Carnaje na idineklarang dead on arrival sa Dennis Molintas District Hospital sa Daclan, Bokod ay ini-uwi na ng kanyang pamilya.
Maaalalang pababa na ang SUV na may plakang AKA 6085 na sinasakyan ng mga biktima mula sa sikat na Mt. Pulag sa Kabayan nang aksidenteng mahulog ito sa bangin na may lalim na aabot ng 400 metro.
Agad namang nagresponde ang mga pulis, mga bombero at mga concerned citizen sa nasabing lugar.