TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Santy Mero, vice chairman ng Cordillera People’s Alliance na dapat na ipa-deport ang 25 Chinese workers sa Chico River Irrigation Pump Project sa Kalinga.
Sinabi ni Mero na hindi sapat na pinagmulta ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga nasabing Chinese dahil sa paglabag sa batas ng ating bansa.
Bukod dito, sinabi ni Mero na hindi lang 25 ang mga Chinese na nagtatrabaho sa nasabing proyekto.
Una rito, pinagmulta ng DOLE-Kalinga ang mga chinese national sa naantalang aplikasyon ng kanilang Alien Employment Permit na nitong Enero pa dumating sa bansa.
Iginiit din ni Mero na dapat na itigil muna ang konstruksion ng nasabing proyekto upang bigyang daan ang imbestigasyon sa mga paglabag ng Chinese contractor sa mga umiiral na patakaran sa bansa.
Tinukoy ni Mero ang kawalan ng pre-prior informed consent o ang pagkilala sa mga karapatan ng mga katutubo.
Ito ay matapos na wala umanong isinagawang konsultasyon sa mga maaapektuhan sa proyekto kabilang ang mga katutubo.
Kasabay nito, sinabi ni Mero na babantayan nila ang plano na pagpapatayo ng mga power plants sa sandaling matapos ang nasabing proyekto.
Ayon sa kanya, iginiit niya na dapat na matiyak na makasunod sa mga batas ng bansa bago gawin ang mga planta.
Sinabi niya na ito ay upang matiyak na maisasaalang-alang din ang kapakanan ng mga maaapektuhan sa mga nasabing proyekto.