-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sinabon ng mga Mambabatas sa Sangguniang Panlalawigan ang mga Committee Chairperson sa katatapos lamang na selebrasyon ng 105th Founding Anniversary at Kalivungan Festival sa probinsya ng Cotabato.

Ginisa ng mga myembro ng SP Cotabato ang mga namuno sa bawat kometiba sa selebrasyon ng 105th Foundation Anniversary at Kalivungan Festival sa mga pagkukulang nito sa kanilang mga trabaho.

Napahiya umano ang mga lokal opisyal at Mamamayan ng North Cotabato sa nangyaring brownout habang nagsasalita ang panauhing pandangal na si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla sa culmination day.

Hindi man lang daw napaghandaan ng mga namahala sa selebrasyon ang posibling mangyaring pagkawala ng suplay ng kuryente at dapat may contingency plan.

Karamihan sa mga myembro ng SP Cotabato ang nagsabi na sana naglagay ng generator set at agad magamit kung mayroong browout.

Mangiyak-ngiyak naman na humingi ng paumanhin si Josephine Avellana ang Overall Event Coordinator at inako ang lahat nang kapalpakan sa selebrasyon.

Nilinaw naman ni Acting Vice-Governor Shirlyn Macasarte Villanueva na ang pagpatawag sa SP sa lahat na Committee Chair ay hindi para silay ihiya ngunit para mapag-usapan at hanapan ng solusyon ang problema para hindi na maulit.

Dinagdag naman ni Board Member Dulia Sultan na dapat hindi isisi sa isang tao ang nangyaring pagkukulang o kapalpakan sa selebrasyon ng Kalivungan Festival at 105th Foundation Anniversary sa probinsya dahil lahat naman ay may pananagutan.

Dapat lahat ay magtulungan na lamang para hanapan ng solusyon kung ano man ang pagkukulang ng mga namahala.

Inihayag rin ni Sultan na dapat ay hindi na pinatawag sa SP ang mga Committee Chair para hindi sila mapahiya at doon na lang sa isang pagpupulong o kaya magkaroon na lamang ng administrative action.