-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Health (DOH) na “40% accurate” lamang ang mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) test kits na ipinadala ng China sa Pilipinas.

Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, ang nasabing mga test kits, na mababa ang accuracy batay sa pamantayan ng World Health Organization (WHO), ay kanila lamang inimbak at hindi ginamit.

“Sa mga naunang pinadala samin na test kits from China, na nakapagpakita ng 40 percent accuracy, hindi po namin ito ginamit dahil nakita nga po na mababa po ang accuracy natin dito. Kaya ito na lang po ay atin itinago,” wika ni Vergeire.

Sinabi pa ng opisyal, nagsagawa rin ng parallel testing ang mga health officials gamit ang Chinese test kits at ang test kits mula sa WHO kung saan gumamit sila ng specimen mula sa isang COVID-19 patient.

Ang ibang mga test kits na ipinadala ng iba pang mga bansa ay pasado naman aniya sa standard ng WHO.

“Makakasiguro po ang ating mga kababayan na atin pong vina-validate pa ho ang ating mga donasyon na test kits bago ito gamitin. Makikita po natin dito kung ano ang of-quality at kung ano naman po ang mababa ang kalidad at di dapat gamitin para sa ating mga kababayan,” ani Vergeire.

Una nang sinabi ng gobyerno ng Spain na depektibo ang mga COVID-19 test kits na nanggaling sa isang Chinese firm.

Kaya babawiin na umano nila ang lahat ng mga kits na nagpakita ng maling resulta, at papalitan ng ibang testing kit na mula sa Shenzhen Bioeasy.

Pero ayon sa Shenzhen Bioeasy, ang maling mga resulta ay posibleng dahil umano sa hindi wastong paggamit sa mga testing kits.