-- Advertisements --

Lalo pang ibinaba ng mga dam manegement ang pinapakawalang bulto ng tubig kasunod ng tuluyang paghupa ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.

Sa inilabas na update ngayong araw, Nov. 20, tatlong dam na lamang ang nagpapakawala ng tubig: Magat Dam, Binga Dam, at Ambuklao Dam, habang kahapon ay tuluyan nang itinigil ng San Roque Dam ang pagpapakawala ng tubig.

Sa Ambuklao Dam, kasalukuyang nakabukas ang dalawa nitong gate at may isang metrong opening. Nagpapakawala ito ng 152.40 cms ng tubig, mas mababa kumpara sa 355.27 cms kahapon, Nov. 19.

Sa Binga Dam, nakabukas ang tatlo nitong gate at may 1.5 meters na opening. Nagpapakawala ito ng 231.23 cms ng tubig.

Kahapon ay bukas pa ang anim nitong gate ay nagpapakawala ng 349.60cms ng tubig.

Sa Magat Dam naman, tanging dalawang gate na lamang nito ang bukas at may tatlong metrong opening. Gayonpaman, nananatili pa ring mataas ang pinapakawalan nitong tubig na nasa 939.22cms.

Kahapon ay nagpapakawala ang naturang dam ng kabuuang 1,715.06cms ng tubig.

Sa kasagsagan ng mga pag-ulan na dulot ng super typhoon ‘Pepito’, nagpakawala ang apat na dam ng libo-libong cms ng tubig dahil na rin sa mabilis na pag-apaw ng lebel ng mga ito.