Dalaga pa lang si Aling Leonila Tubig ay deboto na raw siya ng Poong Itim na Nazareno.
Kaya kahit tubong Macabebe, Pampanga, hindi niya alintana ang layo ng biyahe para maipaabot ang pasasalamat at dasal sa poon na nasa Quiapo Church sa Maynila.
Naging kasama ni Aling Nelia sa kanyang debosyon ang napangasawang na si Mang Manny na naniniwala rin sa himala ng Black Nazarene.
Kaya sa darating na pista ng Itim na Nazareno sa Huwebes, dalangin nila na manatili ang kapayapaan at pagmamahalan sa kanilang tahanan.
“Bilang maybahay, (dasal ko) pagkakaroon ng mapayapang pamilya; walang sigalot, walang matinding karamdaman sa pamilya at yung paggaling ng mga may karamdaman. Magkaroon ng kababaan ng loob at pagmamahal sa kapwa.”
Panalangin naman para sa kalusugan ang inilapit ng mag-asawang sina Anna Marie at Reynaldo Julian na itinuro na rin sa kanilang mga anak ang ilang taon na pagiging deboto ng Itim na Poon.
“Yung hindi kami magkakasakit, yun yung lagi naming hiling,” ani Anna Marie.
Pero kung si Mang Jesus ng Caloocan daw ang tatanungin, bukod sa pamilya ay dasal din niya na tuluyan ng matigil ang mga gulo at hidwaan.
“Ngayong taon (sana) mawala na yung mga gulo-gulo. Medyo magulo yung bansa natin ngayon. Yung mga patayan.”