KALIBO, Aklan – Bumuhos ang malaking bilang ng mga Aklanon sa Aklan Provincial Trade Hall sa Capitol Site, Kalibo, Aklan mula sa iba’t ibang bayan upang makiisa sa isinagawang “Dugong Bombo 2019”, isang blood letting activity ng Bombo Radyo Philippines at Star Fm na may temang “ A Little Pain, A Life to Gain.”
Maliban sa mga suking tagapakinig ng Bombo Radyo Kalibo, sinuportahan din ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba’t-ibang government at non-government organizations ang blood letting activity.
May mga pumila rin na mga senior citizens at mga blood galloner sa hangad na makiisa sa naturang aktibidad.
May mga hindi nakapasa sa screening and testing ng Department of Health sa iba’t ibang dahilan, ngunit naging matagumpay ang nasabing aktibidad.
Samantala, sinabi ni Marlo Zamora, 50, residente ng Brgy. Calacabian, Libacao, Aklan, kauna-unahang blood donor sa Dugong Bombo na kahit malayo ang kanilang lugar ay nagsumikap siyang makapunta agad sa venue dahil alam niya ang halaga ng pag-donate ng dugo na maliban na maraming benepisyo sa katawan ay nakakapagdugtong pa siya ng buhay sa mga nangangailangan.
Ang mga successful blood donors ay binigyan ng souvenir shirts, snacks at blood donor card.