-- Advertisements --

Pumalo na sa 433 bilang ng mga dating miyembro ng new peoples army (NPA) sa Eastern Visayas ang humihingi ng amnestiya mula sa National Amnesty Commission (NAC), batay ‘yan sa kanilang datos noong Disyembre nang nakaraang taon.

Sa kabuuang bilang ng mga aplikasyon, 334 ang pinoproseso ng Local Amnesty Board (LAB) sa Catbalogan City para sa Samar Island, habang 99 na aplikasyon naman ang naisumite na sa Tacloban City LAB para sa Leyte Island.

Binigyang-diin ni NAC Chairperson Leah Tanodra-Armamento na ang amnestiya ay isang malaking hakbang para sa reintegration ng mga dating rebelde sa komunidad, na naapektuhan ng mga ilang taong pakikipag laban sa gobyerno.

Saklaw ng amnestiya ang mga krimeng katulad ng rebelyon, ngunit hindi kabilang ang mga pribadong krimen tulad ng panggagahasa.

Ang proseso ng aplikasyon ay dumadaan din sa iba’t-ibang tanggapan, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI), upang matiyak na hindi makakapasok ang mga krimeng hindi sakop ng amnestiya.

Dagdag pa ni Armamento, ang mga aplikante ay binabantayan ng mga LAB at maaaring makatanggap ng mga kinakailangang hakbang sa seguridad kung kinakailangan.

Tiniyak ng ahensya na ang mga benepisyo ng mga aplikante ay maayos na mapoproseso tulad ng financial support, livelihood program, mga scholarship para sa kanilang mga anak, at health benefits.