LEGAZPI CITY – Muling lumutang ang mga nagpakilalang nabiktima ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy upang maningil sa umano’y pagkakautang nito.
Kinumpirma ni P/Maj. Ed Azotea, hepe ng Polangui Municipal Police sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na may nagtungo sa kanilang himpilan upang kumuha ng kopya ng blotter laban kay Advincula, dalawang taon na ang nakakaraan.
Nakasaad umano sa naturang ulat sa pulisya ang reklamo kay Advincula sa mga kinuhang tao nang magsagawa ng isang beauty pageant sa Polangui, Albay.
Sinasabing hindi nagbayad habang hindi na rin nakita si Advincula matapos ang event.
Kamaikailan din ng lumutang ang mga impormasyon na bukod sa kasong kinaharap noong 2012 sa illegal recruitment at large-scale estafa, si Advincula ay nahaharap sa iba pang reklamo.
Sa paglutang ni Advincula sa publiko, umaasa raw ang mga una nang nabiktima ng panloloko nito na mapagbayaran ang kasalanan.
Kung maaalala, si Advincula ang nagpakilalang si Bikoy na narrator ng serye ng “Ang Totoong Narclolist” videos na nagdadawit sa pamilya at mga kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.