-- Advertisements --

Kapansin-pansin ang patuloy na pagdami ng mga dayuhan at balikbayan na dumadating sa bansa mula nang muling buksan ng pamahalaan ang PH borders sa mga international travelers.

Sa ulat ng mga kinauukulan, naobserbahan na karamihan sa mga foreign tourist na dumadating sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay mula sa mga bansang France, United Kingdom, Taiwan, China, at iba pang bansa sa Asya.

Ayon sa mga kawani, hudyat na ito ng unti-unting pagbangon nito mula sa naging pagkalugmok nang magsimulang tumama ang pandemya sa bansa.

Samantala, sinabi ni naman ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na tanging mga full vaccinated na mga dayuhan na mula sa visa-free countries ang papayagan lamang na bumisita sa Pilipinas.

Kinakailangan lamang na makapagpakita ang mga ito, kabilang na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at balikbayan, ng negatibong RT-PCR test result na isinagawa 48 oras bago ang kanilang departure.

Magugunita na kaugnay niyan ay una na ring sinabi ng bureau na exempted na rin na magpakita ng outbound ticket ang isang balikbayan at ang kanyang asawa’t mga anak na kasama sa paglalakbay basta’t nakapag-register ang mga ito online sa One Health Pass ang kanilang flight patungong Pilipinas tulad na lahat ng iba pang mga pasaherong darating sa bansa.