Pinayuhan ni AFP Western Mindanao command chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang mga banyagang naninirahan sa Mindanao na mag-ingat at maging security concious para hindi mabiktima ng kidnapping.
Ito ay kasunod nang pagdukot sa British national na si Allan Arthur Hyron at misis nito na si Welma Hyron.
Pero binigyang-diin ni Sobejana na walang dapat ikaalarma ang mga dayuhan na naninirahan sa Mindanao dahil ang kaso ng mag-asawang Hyron ay isolated case.
Paalala rin ni Sobejana sa mga banyagang may pag-aaring resort at mga inn na maging mahigpit sa pagkuha ng identity ng kanilang mga guests at maglagay ng mga CCTV.
Kumikilos na rin sa ngayon ang Task Force Hyron para marekober ang mag asawang bihag sa lalong madaling panahon.
May dalawang persons of interest na natukoy ang militar at isa rito ay may facial composite na inilabas ang PNP.
Isa sa mga motibo na tinitignan ng militar ngayon ay paghihiganti ang motibo dahil sa limang guro ang kanilang tinanggal sa pag-aari nilang eskwelahan.
Hindi naman isinasantabi ng PNP ang posibilidad na baka ilipat sa pangangalaga ng teroristang Abu Sayyaf ang mga bihag.