-- Advertisements --
PNP Boracay crime prevention and safety tips/awareness campaign

KALIBO, Aklan – Umaabot na sa mahigit P771,000 ang nalikom na multa ng local government unit (LGU) ng Malay mula sa mga violators ng local ordinances na karamihan ay mga dayuhang turista sa isla ng Boracay.

Batay sa pinakahuling datos ng Malay PNP, sinabi ni P/Cpt. Jose Mark Anthony Gesulga na nasa 601 violators na ang naisyuhan ng citation ticket kung saan 24.16% dito ay local violators habang 75.84% naman ang mga turista.

Ang naturang halaga aniya ay gagamitin para mapondohan ang gastusin at iba pang proyekto sa Phase 2 ng Project “BESST” o Boracay Enhanced Security Strategy and Tactics na tinaguriang “Battle of the Mainroad.”

Nabatid na ang Project BESST ay inilunsad ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group upang matutukan ang pagkalat ng basura, paninigarilyo, mga ambulant vendors, sex workers at illegal tour guides upang maging “Discipline Zoned Boracay” ang isla katulad ng iba pang mga tourist destination sa bansa.