-- Advertisements --

Inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kanilang pagkabahala sa kasalukuyang sitwasyon ng mga naarestong dayuhan na sangkot sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Laganap umano kasi ang pagkalat ng sakit sa loob ng custodial facility sa Pasay City kung saan apektado ang kalusugan ng ilan sa mga POGO-workers na nasa pangangalaga ng komisyon. 

Kinumpirma ito mismo ng tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na si Dir. Winston Casio; ipinag-utos niya ang paglilinis at disinfection sa pasilidad upang masugpo ang pagdami pa ng mga nagkakasakit. 

Aniya, paghihiwalayin na rin ang mga may sakit sa wala para maiwasan ang hawaan habang sila’y nasa kustodiya ng komisyon. 

‘I ordered to do a thorough cleansing disinfection kasi may kumakalat na flu sa amin duon sa area so may mga ilan ng naapektuhan so we have to segregate those who are sick to those who are not sick,’ ani Dir. Winston Casio, spokesperson ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Dagdag pa niya, sa kasalukuyan ay nasa higit siyam na raan pa ang mga dayuhang POGO-workers na kanilang hawak habang hinihintay ang deportation sa mga ito.   

Kaya aniya’y dapat ng madaliin ang proseso sa pagpapadala ng mga nasa kustodiyang nearesto sa iligal na operasyon ng POGO sa bansa nang sa gayon ay maibalik na ang mga ito sa kani-kanilang mga bansa.

Dahil dito, panawagan ng komisyon sa Bureau of Immigration ang mabilisang pagproseso sa papadeport ng mga naiwang dayuhan na POGO workers sa bansa.