-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Umaabot na sa mahigit 160 ang mga dayuhang turista na nagbakasyon sa isla ng Boracay.

Ito ay makaraang buksan ng pamahalaan ang borders ng Pilipinas para sa international travelers mula sa visa-free countries.

Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos, mula Pebrero 12 hanggang 20 ay nasa kabuuang 165 na dayuhang turista na ang pumasok sa isla.

Karamihan aniya sa mga foreign tourists ay mula sa Estados Unidos na may 65, United Kingdom na may 15, at Germany na may 13.

Ilan pa sa dumating na turista ay nagmula sa Australia, South Korea, Belgium, Canada, Norway, France, Sweden, China, Ireland, Switzerland, Hong Kong, Turkey, Japan, Mexico, Saudi Arabia, Netherlands, Poland, Turkey, United Arab Emirates, at Kuwait.

Dagdag pa ni Delos Santos, lahat ng mga pumapasok sa turista sa isla ay fully vaccinated at nakakasunod sa mga itinakdang rekisitos ng pamahalaan.

Samantala, kalimitang pumapasok na domestic tourists sa Boracay ay nagmula sa National Capital Region na umaabot sa 22,230 mula sa kabuuang 47,582 sa kaparehong petsa.

Sa kasalukuyan, wala pang international flights mula South Korea, Taiwan, at mainland China ang dumating sa Kalibo International Airport mula ng pinayagan ang foreign travelers noong Pebrero 10.