KALIBO, Aklan – Balak ng Aklan provincial government na mabuksan ang Boracay, hindi lamang sa mga turista ng Western Visayas kundi maging sa mga international tourist.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, ito ang kanilang napagkasunduan sa isinagawang pulong kasama si Aklan Gov. Florencio Miraflores at tatlong malalaking stakeholders gaya ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Boracay Foundation Incorporation, at Compliance Association of Boracay.
Upang makahikayat ng mga foreign tourist mula sa mga bansang wala ng naitalang kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19, isasagawa ang Octoberfest kung saan magbubukas ang mga restaurant, bar, pubs, hubs partikular sa front beach.
Magbibigay din ng 75% discount ang mga establisyimentong naisyuhan ng Certificate of Authority to Operate ng Department of Tourism upang makahikayat ng mas maraming customer.
Ang planong pagbubukas ng Boracay sa international tourist ay upang muling mapalakas ang industiya ng turismo upang makabawi ng paunti-unti ang nalugmok na ekonomiya ng bansa.
Ang nasabing panukala ay nakatakdang isumite ngayong linggo ng Aklan official sa Boracay Inter Agency Task Force na siyang namamahala sa rehabilitasyon sa isla.