KORONADAL CITY – Dinarayo ng maraming mga deboto ngayong Semana Santa ang Passion Hill Garden, sa Brgy. San Vicente, Banga, South Cotabato.
Ang burol na ito ay matatagpuan sa anim na ektaryang lupain na dinadayo ng mga mananampalaya dahil umano sa healing powers nito o nakakapagpagaling ng mga may sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Louie Mangalus, isa sa mga may-ari ng lupain, para hindi mahirapan ang mga may kapansanan at nakatatanda sa pag-akyat sa burol nilagyan na nila ito ng pathway.
Ayon kay Mangalus, ginagawa nila ito dahil sa panata ng kanilang pamilya na magkaroon ng isang lugar na makatutulong para lalo pang mapalapit sa panginoon ang mga mananampalataya.
Marami sa mga deboto ay ginagawa ang station of the cross sa burol kung saan matatagpuan sa tuktok nito ang tatlong malalaking krus.
Sumisimbulo ang mga ito sa krus kung saan ipinako at namatay si Jesus katabi ng dalawang mga kriminal.
Napag-alaman na walang bayad ang pag-akyat sa lugar at hindi sila nakikipag-kumpetensya sa simbahan kundi pinayuhan pa ang mga deboto na bago umakyat sa Passion hill mas makabubuting tapusin muna ang kanilang mga obligasyon sa Holy Week sa kani-kanilang mga parokya.