CAGAYAN DE ORO CITY – Mas kaunti ang bilang mga deboto na bumisita sa dalawang major religious sites ng Cagayan de Oro ngayong Semana Santa.
Base sa talaan ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) , mula sa 250,000 na inaasahang deboto ay umabot lamang sa mahigit 64,000 ang bilang ng mga Kristiyanong bumisita sa Our Lady of Guadalupe Shrine at Malasag Hills.
Sinabi ni COCPO Spokesperson Police Lt. Colonel Mardy Hortillosa na binigyan nila ng mahigpit na seguridad ang mga religious sites upang mas dumami pa ang magnilay-nilay.
Subalit ipinagtataka nila kung bakit mas kakaunti ang magsipag-akyat ngayong taon.
Una rito, kilala ang Shrine ng Our Lady of Guadalupe ng Brgy Tablon, bilang numero-unong puntahan ng mga graduating students, mga young professionals at maging ang mga babaeng gustong magkaanak.
Ito ay dahil umano sa milagrong naibibigay nito sa mga dasal na taimtim na hinihingi ng mga deboto.
Karamihan sa mga hiling ng mga deboto ay maka-graduate ng kolehiyo at makapasa ng iba’t ibang uri ng board at lisensure exams.
Samantala, isang luma at tradisyunal namang pilgrimage site ang Malasag Hills at iba’t ibang religious groups ang nagsasagawa ng kanilang station of the cross mula Huwebes hanggang Biyernes Santo.
Sa ngayon, inihayag ng mga otoridad na nananatiling generally peaceful ang buong lungsod.