Nagsagawa ng ‘Walk for Peace’ ang mga mananampalatayang Katoliko ngayong Miyerkules Santo (April 16), bilang panawagan ng katahimikan at kapayapaan sa probinsya ng Abra.
Una nang nanawagan si Bangued Bishop Leopoldo Jaucian sa mga mananampalataya at mga peace advocate na magtulungan at ipanawagan ang tuluyang pag-iral ng katahimikan sa naturang probinsya, kasunod na rin ng mga serye ng pamamarili kung saan halos 20 shooting incident na ang naitala simula noong January 2025.
Giit ni Bishop Jaucian, hindi lamang ito basta isang pagtitipon kung di isa itong testamento sa commitment ng mga mamamayan para sa pagpapanatili ng katahimikan at pagprotekta sa buhay ng bawat isa.
Maraming residente, mananampalataya, at mga peace advocate din ang nakibahagi sa panawagan ng simbahan, at sa loob ng ilang oras ay naglakad ang mga ito sa ilang komunidad, habang nananawagan ng katahimikan sa naturang probinsya.
Batay sa opisyal na police report sa naturang probinsya, umabot na sa 11 katao ang nasawi sa naturang probinsiya dahil sa mga serye ng pamamaril mula noong nagsimula ang taong 2025.
Apela ni Bishop Jaucian, sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga deboto at mga residente ay maipapakita nilang hindi imposible ang pag-iral ng katahimikan at kapayapaan.
Kailangan lamang aniyang magsama ang lahat upang tiyakin at bantayan ang pag-iral nito. (report by Bombo Genesis)