-- Advertisements --

Tinatayang umabot sa 160,000 deboto ng Sr. Sto. Niño ang nakilahok sa ‘Penitential Walk With Jesus’ at sa Opening Salvo Mass ng 460th Fiesta Señor ngayong araw, Enero 9.

Inihayag ni Deputy City Director for Operations Police Lt.Col. Maria Theresa Macatangay na sa kabila ng dami ng dumalo ay naging mapayapa naman ang kaganapan.

Gayunpaman, mas mababa pa ang naturang bilang kumpara sa 200,000 na naitalang dumalo sa Opening Salvo ng Fiesta Señor noong nakaraang taon at 300,000 noong 2023.

Samantala, nagpapaalala ngayon ang pamunuan ng Basilica Minore del Sto. Nino de Cebu sa mga deboto na mahigpit na sundin ang ipinatupad na alituntunin at regulasyon ng simbahan.

Inihayag ni Fr. Jules Van Almerez na kabilang na dito ang pagsunod sa proper dress code para sa mga nagbabalak pumasok sa simbahan.

Paalala pa niya sa mga deboto na iwasang magdala ng malalaking bag o bagahe dahil magpapabagal pa umano ito sa pagsusuri ng mga security personnel.

Payo din ni Almerez na iwasang magdala ng camping chairs at tanging maliliit lamang na upuan ang pinahihintulutan.

Maliban dito, hiniling naman niya ang mga debotong may pintura sa mukha na iwasan na lamang pumasok sa Basilica upang mapanatili ang solemnidad at kabanalan ng mga pagdiriwang.