ROXAS CITY – Libo libong deboto ang dumagsa sa taunang Pasyon ni Kristo sa bayan ng President Roxas, Capiz sa kabila ng mainit na panahon.
Hindi lamang mga debotong Pilipino at katoliko ang sumaksi dito dahil nakita rin ang presensiya ng ilang mga turista na kumukuha ng litrato at video sa nasabing aktibidad.
Naging maligaya naman si Rev. Father Ramil Bigcas, kura paroko ng St. Joseph the Worker sa tagumpay ng aktibidad, dahil hindi lamang luha ang naging puhunan ng organizer at cast ng Pasyon ni Kristo sa loob ng tatlong buwan na paghahanda kundi kasama na dito ang dedikasyon at tibay ng loob.
Ipinagmamalaki rin ng kura paroko na sa lalawigan ng Capiz, nag-iisa ang bayan ng President Roxas na nagsasagawa ng taunang Pasyon ni Kristo tuwing mahal na araw.
Umaasa ito na sa pamamagitan ng aktibidad ay tumatak sa isipan ng lahat ang pinagdaanang sakit, pagkamatay at pagkabuhay ni Hesus na nagpakatao para mailigtas ang lahat ng kasalanan ng sanlibutan.
Napag-alaman na nagsimula ang Pasyon ni Kristo noong 1975 at nagpatuloy ito hanggang ngayon.