KORONADAL CITY – Mas kumbinsido umano ang ilang mga Filipino sa estado ng Georgia na karapat-dapat umanong manalo si Democratic nominee Joe Biden kumpara kay US President Donald Trump ng Republican party.
Ito ang inihayag ni Bombo international correspondent Arjho Carino Turner sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Turner na tubong-Brgy. Landan, Polomolok, South Cotabato, mas kapani-paniwala umano ang ginagawang stratehiya ni Biden sa pang-eenganyo ng boto sa mga mamamayan dahil sumusunod ito sa health protocols, di tulad umano kay Trump na gustong-gusto ang maraming tao na makinig sa kaniya ngunit lumalabag sa health protocols na maaari namang pagmulan ng covid-19 at maging super-spreader ito.
Maliban dito, ibinahagi rin nito na lumilipat na rin ang ilang die-hard Republicans kay Biden dahil gusto nilang suportahan ang kanilang bansa at hindi ang kanilang partido, batay umano sa tinatawag na “Lincoln Project”.
Nabatid na ang Georgia ay mayroong 16 electoral votes, kung saan kasalukuyan itong isang swing state, bagay na isa sa mga estadong nililigawan ngayon ng magkabilang partido.