BAGUIO CITY – Inaanyayahan ng Philippine Embassy sa Turkey ang mga in-distress na overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, kasama na ang mga undocumented at overstaying na gusto ng umuwi ng Pinas na magpalista ang mga ito sa embahada at sa Philippine Consulate General sa Istanbul.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Juliet Selga, OFW sa Turkey, magiging basehan ng embahada ang tala sa bilang ng mga maire-repatriate at sa pondong hihilingin nila sa pamahalaan ng Pilipinas para sa libre at one-way ticket pauwi dito sa bansa.
Aniya, hanggang Abril 21 na lamang ang nasabing oportunidad.
Nakatanggap din aniya sila ng impormasyon na gumagawa na rin ang Department of Labor and Employment ng hakbang para maisali ang mga OFWs sa Turkey, Azerbaijan, at Georgia na apektado sa COVID-19 pandemic sa DOLE-AKAP for OFWs.
Dinagdag niya na patuloy namang nagbibigay ng donasyon ang mga OFWs na may trabaho pa rin at mga Pinoy na residente na sa nasabing bansa na siyang pinambibili ng mga food packs na ipinapamahagi sa mga apektadong OFWs sa Turkey.
Sa ngayon, naka-lockdown na ang Turkey hanggang araw ng Linggo at sinumang maaaresto na nasa labas ng kanilang bahay ay mamumulta ng 3,200 Turkish lira na katumbas ng higit P23,000 at isang taong pagkakulong sa ikalawang paglabag.
Pangsiyam na ngayon ang Turkey sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 na umabot sa 78,600 kung saan higit 1,800 ang nasawi.