-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakarating na umano sa Italy ang mga doktor at eksperto na galing sa China na tutulong sa treatment o panggagamot sa mga pasyenteng naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Nabatid na ang Italy na ang may pinakamaraming naitatalang bilang ng mga namamatay dahil sa COVID–19 sa labas ng Asya na siyang ikinababahala ng karamihan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Narciso Castañeda, taga-Sta. Catalina, Ilocos Sur ngunit nagtatrabaho sa Rome, sinabi nito na siyam na eksperto at doktor mula sa China ang kasama na ng mga health experts sa Italy sa pagtingin sa mga pasyenteng may COVID-19.

Binigyang-diin nito na karamihan sa mga namamatay dahil sa naturang virus sa Italy ay ang mga senior citizens.

Gayunman, nakakalungkot umanong isipin na mayroong ilang matatanda na bagama’t hindi namatay sa COVID-19 ay pinapalabas na namatay ang mga ito dahil sa nasabing virus.