Nagbabala si Health Sec. Francisco Duque III na maaaring matanggalan ng lisensya ang mga doktor na magbabakuna ng COVID-19 shots na hindi pa aprubado ng gobyerno.
Sa joint statement ng Department of Health at Food and Drugs Administration, sinabi ni Duque na kanilang iimbestigahan ang aniya’y iligal na pagtuturok ng mga hindi otorisadong bakuna, lalo na ang mga doktor at medical professionals na nagbibigay nito.
“We will investigate the illegal administration of unauthorized smuggled vaccines, specifically doctors and other medical professionals who administer them,” wika ni Duque.
“We will have their medical licenses revoked. We doctors have an oath. Do no harm. In a pandemic, we need to be more circumspect.”
Ang pahayag ni Duque ay kasunod na rin ng mga ulat na may ilan umanong pulitiko ang sangkot sa iligal na aktibidad.
Inamin ng DOH at ng FDA na nakarating sa kanila ang impormasyon na may mga mambabatas na nagtutungo sa mga magagarang hotel para umano magkape, ngunit ang totoo ay binabakunahan na raw ang mga ito sa isa sa mga silid ng establisyimento.
Hindi raw naniniwala ang kalihim na pinipilit ang mga doktor na magturok ng bakuna.
Inihayag ni Duque na mayroon umanong tao na nasa likod ng naturang kalakaran.
“Someone is peddling the service and it is unacceptable,” ani Duque.
Giit ng opisyal, ang ganitong uri ng gawain ay mas magpapalala lamang umano sa sitwasyon.
Sa panig naman ni FDA director-general Eric Domingo, nakipag-ugnayan na sila sa Bureau of Customs para bantayan ang anumang hindi otorisadong bakuna na maaaring makapasok sa bansa.
“We have sent our enforcement unit to the field and we are awaiting the report. We are fully committed to monitoring this,” saad ni Domingo.