Nilinaw ng grupo ng mga doktor na hindi naman sila titigil sa kanilang trabaho ngayong inilagay muli ang Metro Manila sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi sa Bombo Radyo ni Dr. Jose Santiago, Jr., presidente ng Philippine Medical Association (PMA), ang kanilang hiniling ay upang magkaroon lamang ng recalibration o kaya assessment at mga pagbabago sa diskarte sa pagharap sa COVID crisis.
Ang MECQ aniya ay inaasahan din nilang magpapabagal din sa lalo pang pagdami ng hawaan ng mga virus carriers dahil sa maoobserbahan ang physical distancing.
Ang grupo naman ng UP experts ay tinaya nila na sa panahon MECQ ay posibleng may 50,000 sana na mga bagong kaso ng COVID-19 ang maisasalba.
Samantala, sinang-ayunan din ng mga doktor ang hakbang ng DOH na dagdagan pa ang recruitment ng mga health workers dahil sa pagod na ang marami sa mga ito.
Una nang sinabi ng Philippine College of Physicians (PCP) na kung tutuusin wala silang tigil sa pag-alaga sa mga pasyente mula pa noong pumutok ang pagkalat ng coronavirus.
Patunay na rito ang maraming nalagas sa kanilang hanay gayundin sa mga nurses, doktor, at iba pang health workers na kinapitan ng deadly virus.
Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si Dr. Santiago sa agarang pagtugon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang kahilingan kasama na ang pangakong dagdag benepisyo para sa mga health workers.
“Kami ay humihingi ng distressing signal sa ating pamahalaan para magkaroon tayo ng konting break o kaya ay timeout. Although timeout in the sense na hindi naman tayo titigil, pero timeout lang para tayo ay mag-recalibrate ng ating mga plano,” ani Dr. Santiago sa Bombo Radyo. “Ang ano ko lang sa laban na ito tayo ay magsama-sama. Ang kalaban po natin dito ay ang COVID-19. Hindi tayo magkakalaban dito. I mean iisa lang ang layunin natin dito para labanan ang COVI-19.”
Sa isa namang statement, nagpaabot din ng mensahe sina Santiago at ang PMA secretary general na si Dr. Ricardo Batac bilang sagot sa mga pumuna sa hinihingi nilang “timeout.”
“May maling pagkakaintindi sa timeout na hinihingi. Hindi ito para makapagpahinga ang mga nagbibigay lunas. Para sa basketbol, ito ay para maisaayos ang istratehiya para matugunan ang pagsugod at pagdagsa ng kalaban. Ito ay para matukoy kung sino ang mga maaaring mag-sub sa mga napilayan o nasugatan.”