-- Advertisements --

Gagamitin sa paghahain ng kasong money laundering laban sa mga itinuturing na “big bosses” ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang mga dokumentong nakumpiska sa ni-raid na villas sa Fontana Hot Spring Leisure Parks sa Clark Freeport, Pampanga ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ang naturang villas ay pagmamay-ari umano ng mga bosses ng Zun Yuan Technology Inc. na sangkot sa mga ilegal na operasyon at ni-raid noong Marso na nasa likod lamang ng munisipyo ng Bamban, Tarlac.

Ayon kay PAOCC USec. Gilbert Cruz, walang perang narekober mula sa 19 na vaults na binuksan ng mga awtoridad nang kanilang i-raid ang nasabing villas subalit nakuha ang ilang mga dokumento na naglalaman ng mahalagang impormasyon at makakatulong ng malaki para sa matagumpay na pag-uusig sa mga pinaghihinalaang bosses ng POGO.

Isinagawa ng mga opisyal at operatiba mula sa PAOCC, CIDG, Anti-Money Laundering Council at Department of Justice ang raid sa naturang mga property sa bisa ng inilabas na order ng korte.

Kabilang ang 3 villas sa 5 ni-raid ng mga awtoridad noong hunyo 27 para isilbi ang search warrant na inisyu ng Malolos City Regional Trial Court Branch 81 para sa human trafficking at para hanapin ang mga pinaniniwalang POGO bosses na sina Lyu Dong at Da Wei.

Kasama sa mga nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga vault ay bank documents kabilang ang isa na may lamang P5 million deposit, mga pasaporte at VIP casino cards.

Ayon sa PAOCC official, napag-alaman na ginamit ang nasabing bankbook hindi lamang sa local transactions kundi maging sa mga transaksiyon din sa labas ng bansa.