-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inaasahang darating na sa Batangas ang truck na may kargang donasyon na tinipon ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) para sa mga residente na nag-evacuate kasunod ng pag-alburuto ng bulkang Taal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NOPPO deputy director for operations Police Lt. Col. Adrian Alcollador, mismong sa NOPPO headquarters isinagawa ang send off ceremony kahapon.

Ang inisyatibo ay pinangunahan nina Victorias City Councilor Derrick Palangca at Councilor Jason Tupas ng Hinobaan.

Sa loob ng 48 oras ayon sa deputy director, nakatipon ang mga ito ng isang truck ng mga goods kabilang na ang bigas, delata, hygiene kit, tubig, noodles at pera.

Noong nakaraang linggo, hinikayat ni NOPPO director Col. Romeo Baleros ang mga police personnel na mag-share ng bahagi ng kanilang rice allowance sa mga biktima nga Taal volcano eruption.

Nabatid na ang P650 na rice allowance ng mga pulis na katumbas ng 20 kilo ng bigas ay ibinibigay sa kanila bawat buwan.