Nagsimula na sa paghahanda ang ilang grupo ng mga mangingisda para sa isasagawang civilian mission ng ilan sa ating mga kababayan sa West Philippine Sea.
Ilang araw ito bago ang nakatakda nilang paglalayag para sa ikalawang Civilian Supply Mission na pangungunahan ng Atin Ito Coalition kasama ang iba pang mga volunteer na pawang mga sibilyan din.
Kabilang sa mga inihanda ng naturang mga mangingisda ay ang paglalagay ng krudo sa mas maliliit na container na ipamamahagi naman ng mga ito sa iba pang mga Pilipinong mangingisda na naglalayag sa Bajo de Masinloc shoal o Panatag shoal.
Bukod dito ay isa-isa na rin ni-repack ang mga donation supplies na kabilang sa mga ipamamahagi ng naturang grupo na naglalaman naman ng bigas, mga delata, at iba pa.
Habang sinimulan na rin nilang markahan ng mga katagang “WPS ATIN ITO!” ang mga buoys na kanilang target na ilagay sa Bajo de Masinloc shoal.
Kung maaalala, sa Mayo 14, 2024 hanggang Mayo 17, 2024 nakatakdang isagawa ang ikalawang Civilian Mission sa West Philippine Sea kung saan inaasahan na aabot sa mahigit 100 mga bangka ang makikiisa sa misyong ito.