Pinapatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang mga may-ari at drayber na nasangkot sa viral video ng kanilang alitan sa gitna ng trapiko sa Felix Avenue, sa Cainta, Rizal.
Sa ipinalabas na subpoena ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID), ipinahaharap sa ahensya ang mga may-ari at drayber ng motorsiklo at L-300 van sa Land Transportation Office Central Office sa Pebrero 22, alas-dos ng hapon.
Ayon kay Land Transportation Office Officer-in-Charge Renan Melitante, partikular na aalamin sa pagdinig ang pinagmulan ng alitan at posibilidad na may mapanagot kung may matutukoy na paglabag sa batas-trapiko.
Ibinabala ni Melitante na ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ay nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan ng mga ipinatatawag upang marinig ang kanilang panig bukod pa sa posibleng kaharaping parusa sa ilalim ng batas.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang kahalagahan ng disiplina sa kalsada upang maiwasan ang road rage o iba pang insidente.