-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinayuhan ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang mga tricycle driver at maging mga driver ng habal-habal na hindi pa nagpapabakuna na samantalahin na ang isinasawagang walk in vaccinations sa lungsod.

Paraan ito na maging protektado ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan laban sa Covid19.

Malaki ang magiging epekto ng hindi pagbabakuna kung sakaling magkasakit ang driver ng tricycle at habal-habal dahil mawawalan sila ng kabuhayan sa mga araw na sana ay bumibyahe sila sa daan, paliwanag pa ni Mayor Evangelista.

Upang ma-engganyo ang mga driver na magpabakuna, namimigay na ng isang kilong frozen chicken at dalawang kilong bigas ang City Government para sa lahat ng makatatanggap ng unang dose ng bakuna.

Ito ang pamamaraan ng City Government na makatulong na makabawi sa isang araw na walang byahe at kita ang driver habang siya ay tatanggap ng bakuna kontra Covid19.

Sinabi ni Mayor Evangelista na kapag marami nang drivers ang bakunado at patuloy na bumaba ang kaso ng Covid19 sa lungsod, ay pwede na na niyang ipag-utos ang pagtatanggal ng plastic barrier sa loob ng tricycle, hindi na pagsusuot ng face shield at dagdagan ang bilang ng pasaherong pwedeng sumakay.

Umani naman ng positibong tugon ang panghihikayat ng alkalde na magpabakuna ang mga drivers.

Sa katunayan, ay nakikipagpulong na ang kanilang mga asosasyon sa City Government para mabigyan na ng eksklusibong schedule ang mga driver ng tricycle at habal-habal na makatanggap na ng unang dose ng anti – Covid19 vaccines.