CENTRAL MINDANAO – Galit na nagbanta si Datu Montawal Maguindanao Mayor Datu Otho Montawal sa mga grupo o indibidwal na sangkot sa pinagbabawal na droga na dapat patayin na sila kaysa maunahan pa ang mga otoridad kung manlaban ito sa kanilang operasyon.
Kahit kamag-anak ng alkalde o kaibigan na nasasangkot sa droga ay hindi niya sasantuhin sa pinalakas na war on drugs sa bayan ng Datu Montawal.
Ang binitiwang pahayag ni Montawal ay kasabay ng Madac at badac special meeting hinggil sa bahay silangan orientation na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) katuwang ang pulisya, militar, DILG, DSWD at ibang ahensya ng pamahalaan.
Kasabay rin na ginanap sa old municipal hall ng Datu Montawal ang Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Disaster Risk Reduction Management Council (DRRMC) meeting.
Hinamon ni Mayor Datu Otho Montawal ang mga opisyal ng barangay na agad isumbong sa pulisya kung may nagbibinta o gumagamit ng pinagbabawal na droga sa kanilang komunidad.
Ngunit kung manlaban ang mga drug pushers ay patayin na kaysa sila pa ang maunahan.
Sasagutin umano ni Montawal ang gastos sa libing at haharapin ang anumang kaso na isasampa sa kanila sa pagpapatupad ng kampanya laban sa droga.
Matatandaan na unang naglabas ng shoot to kill order ang mag-amang Mayor Otho at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal sa mga drug pushers, drug traffickers at ibang grupo na sangkot sa illegal drug trade.
Maliban sa shoot to kill order naglabas rin ito ng reward money na P50,000 sa makakahuli patay man o buhay sa mga drug pushers na salot sa lipunan.
Nagbunsod ang galit ng mag-amang Montawal sa mga drug pushers nang idawit sila sa pinagbabawal na droga at nasa listahan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mariin namang pinabulaanan ni Montawal ang mapanirang akusasyon laban sa kanya at anak nito na pawang-gawa-gawa lamang daw at may halong politika at paninira sa kanilang pamilya.
Sinabi ni Montawal na alam umano ng mamamayan ng Datu Montawal at ni Allah na kailan man ay hindi sila nasasangkot sa ipinagbabawal na droga.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng LGU-Datu Montawal ang war on drugs para lipulin ang mga sangkot sa iligal na droga.