KORONADAL CITY – Ikinagalak ng libo-libong earthquake survivors ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalawigan ng North Cotabato nitong Lunes ng tanghali.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Abraham Contayoso, secretary to the mayor ng bayan ng Tulunan, North Cotabato, nabigyan ng pag-asa ang mga earthquake survivors sa pagbisita ng pangulo.
Naramdaman umano ng mga residente sa North Cotabato partikular sa mga bayan ng Mlang, Tulunan, Makilala at Kidapawan City ang pagdamay ng isang ama lalo na at malaking tulong ang dala nito para sa kanila.
Ang isinagawang humanitarian mission ni Pangulong Duterte bago matapos ang taon ay nagbigay-buhay din sa mga residente na kahit papaano ay napawi ang kanilang kaba at trauma sa sunod-sunod na lindol.
Napag-alaman na sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Mlang National High School ay namahagi ito ng food aid at financial assistance sa mga biktima ng lindol sa nabanggit na lugar.
Kasabay nito, ipinasiguro ng pangulo sa mga mamamayan sa North Cotabato na tutulong ang gobyerno sa pangagailangan ng mga ito hanggang sa makabangon sa impact na dala ng nasabing kalamidad.