Iniharap ng prosekusyon ng gobyerno ang isang testigo at mga piraso ng ebidensiya sa pagdinig sa kasong qualified human trafficking laban kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo at kaniyang kapwa akusado sa Pasig Regional Trial Court Branch 167 may kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac.
Unang iprinisenta ng prosekusyon bilang testigo ang isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa simula ng pagdinig para sa petisyon para makapaglagak ng piyansa si Guo at kaniyang mga kapwa akusado sa kaso.
Ayon kay Prosecutor Olivia-Laroza-Torrevillas, ang pagharap ng testigo ay para magbigay ng overview o detalye kung paano nagawa ang qualified trafficking sa loob ng compound ng Bao Fu kung saan nakatayo ang pasilidad ng POGO sa Bamban.
Gagamitin naman ang mga piraso ng ebidensiya para harangin ang naturang petisyong makapag-piyansa sina Guo sa naturang kaso.
Sa naturang pagdinig, dumalo lamang sina Guo at iba pa niyang kapwa akusado sa pamamagitan ng video conference at magpapatuloy sa araw ng Martes, Oktubre 22.