BAGUIO CITY – Nakatakdang isumite ng mga whistleblowers ng umano’y mga kurapsyon sa PhilHealth ang mga natitirang ebidensya na hawak nila laban sa mga opisyal ng ahensya na konektado sa mga ibinulgar na iligal na gawain.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio sa isa sa mga nasabing whistleblower na si dating PhilHealth anti-fraud officer Thorrsson Keith, sinabi niyang sa pamamagitan ng mga ito ay mas titibay pa ang mga kaso laban sa mga nasabing opisyal.
Aniya, hindi na maitatanggi at maitatago ng mga tiwaling opisyal ng PhilHealth ang iligal na gawain ng mga ito dahil malalakas at matitibay ang mga ebidensiyang isinumite niya at ng mga kasamang whistleblowers.
Tiwala ito na maraming makukulong at maaalis o kaya ay masususpinde sa puwesto na opisyal na kasali sa iligal na gawain sa loob ng PhilHealth.
Dinagdag pa ni Keith na 70-80% sa mga hawak nilang ebidensya ang kanilang inilabas sa imbestigasyon ng Senado at susunod na ang mga natitirang iba pa.