Target umano ng Pilipinas na mabakunahan ang mga “economic frontliners” laban sa COVID-19 sa second quarter ng 2021.
Sa pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na kabilang daw sa nasabing mga sektor ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan, mga nagtatrabaho sa food industries, at iba pa.
“And we are recommending sa second quarter, dapat maibigay na natin din, kasama na din sa ating recommendation, the protection of priority sectors, institutions,” wika ni Galvez.
“This includes the economic frontliners. Yun po ang nirerecommend din ng Metro Manila mayors. Nakita natin yung mga driver, sa mga food industries, sa mga services, social service at the same time yung life support services kailangan maproteksyunan natin,” dagdag nito.
Alinsunod sa vaccination plan ng pamahalaan, mauunang mabakunahan ang mga health workers, matatanda, mahihirap, mga sundalo at pulis, at iba pang mga vulnerable population groups.
Asam ng gobyerno na makakuha ng 148-milyong doses ng COVID-19 vaccines, na sapat para mabakunahan ang nasa 70-milyong Pilipino ngayong taon.