-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Na-intercept ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya sa Brgy. Poblacion 2, bayan ng Santiago, Agusan del Norte ang dalawang mga motorsikong kargado ng mga eksplosibo at mga food supplies para sa rebeldeng grupong New People’s Army (NPA).

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 13 Director BGen. Romeo Caramat Jr., huli ang drivers ng dalawang motorsiklo na kinialang sina Darnel Jaudian, 24-anyos at Raymund Tanghal, 24-anyos, parehong residente ng Brgy. Telesfora, sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte.

Nakumpiska mula sa kanilang mga karga ang isang pipe bomb-type Improvised Explosive Device, 15-metrong detonating cord, 2 magazines ng 5.56mm na may limang mga bala, 33-rounds ng caliber 5.56 live ammunition, at iba’t ibang mga food supplies.

Base sa intelligence report, ihahatid sana ito sa mga miyembro ng Guerrilla Front (GF)16, Northeastern Mindanao Regional Committee na pinangungunahan ni Rolando Leyson, Jr. o Ka-Edroy.

Para sana umano ito sa ika-52 na anibersaryo ng CPP-NPA nitong Marso a-29 ngunit na-delay dahil sa hinigpitang security measures at law enforcement operations sa buong rehiyon.

Nasa kostudiya na ng Santiago Municipal Police Station ang nahuling mga suspek at ang nakumpiskang mga gamit para sa isasampang kaso laban sa kanila.