NAGA CITY – Kinumpirma ng pulisya na gamit sa iligal na pagmimina ang mga nakumpiskang eksplosibo mula sa isang kagawad ng barangay sa Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Ryan Rimando, chief of police ng Paracale PNP, na lumabas sa kanilang imbestigasyon na ibinibenta ng naarestong si Felicidad Yebra ang mga nakumpiska sa illegal miners sa lugar.
Nitong Miyerkules nang maaresto ng otoridad sa Yebra kung saan nakuhanan ito ng 450 pirasong emulsion explosives, 200 piraso ng blasting caps at tatlong rolled fuse na may habang nasa 70 metro.
Sa ngayon inaalam pa raw ng mga opisyal kung sino at saan kinukuha ng kagawad ang mga eksplosibo.
Nahaharap sa kasong illegal possession of explosives ang opisyal.
Naniniwala ang pulisya na mapaparalisa ang transaskyon ng iligal na pagmimina sa lugar matapos mahuli ang pinagkukunan ng pampasabog ng mga ito.