Nagpahayag ng suporta ang mga empleyado ng Commission on Election (Comelec) kay Chairman George Erwin Garcia, sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap ng komisyon ukol sa umano’y mga offshore bank account.
Sa inilabas na statement ng Commission on Elections-Employees’ Union (Comelec-EU), sinabi ng grupo na ang mga alegasyon ay direktang pagsira sa kredibilidad ng halalan na pinaghihirapan nitong panindigan.
Kaisa umano ang grupo sa paniniwala ni Chairman Garcia na ang inilabas na isyu ay isang ‘well-oiled demolition job’ na may layuning bahiran ang tiwala ng publiko sa automated election system.
Bilang mga election frontliner, hindi umano magagawa ng mga ito na basta na lamang panuurin ang komisyon na batuhin ng alegasyon at iba’t-ibang isyu na umano’y walang basehan at walang katotohanan.
Una rito ay iniuugnay ang komisyon sa million-dollar foreign bank account na umano’y konektado rin sa Miru Systems, ang accredited service provider sa 2025 elections.
Ang pinakahuli dito ay ang inilabas ni dating Caloocan representative Edgar Erice na tinawag na ‘Bahamas files’ kung saan nakatanggap umano ang isang isang COMELEC official ng $15 million mula sa South Korea, partikular na sa Miru Systems. Ang naturang halaga ay sinasabing nai-deposito sa 14 bank accounts sa Bahamas.
Agad namang sinagot ni Chairman Garcia ang naturang isyu at sinabing peke ang mga ito.
Una na ring naglabas ng waiver ang COMELEC Chair upang bigyang-daan ang posibleng imbestigasyon sa kanyang mga financial accounts.