Mahigpit na susundin ng mga employer ang bagong minimum wage matapos aprubahan ng NCR Wage Board ang P35 na dagdag sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa rehiyon.
Ayon sa pinakamalaking business group sa bansa na Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), kanilang iginagalang ang desisyon ng regional wage board at striktong susundin ang bagong daily minimum wage na P645 mula sa P610.
Iginiit din ng grupo na resonable ang bagong wage hike kumpara sa panukalang P100 na labis umano para sa panig ng mga employer at maaaring humantong sa pagsasara ng mga negosyo at pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa.
Mahalaga aniya na ikonsidera ang epekto ng pagtaas sa minimum age sa mga negosyo na mapipilitang mag-adjust sa mas mataas na labor costs partikular na para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Naniniwala din ang grupo na isang win-win decision para sa employer at mga manggagawa ito.
Samantala, sinabi ng grupo na kanilang babantayan at susuriin ang epekto nito sa mga maliliit na negosyo na kanilang itinuturing na backbone ng ating ekonomiya.