-- Advertisements --

Binigyan diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi maaring sibakin ng mga employers ang kanilang mga manggagawa o huwag ibigay ang kanilang sahod dahil sa pagtangging magpabakuna.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, walang legal basis sa ngayon para sa mandatory vaccination ng mga manggagawa sa Pilipinas.

Pero maari naman aniyang tukuyin ng mga employers sa Metro Manila ang Inter-Agency Task Force resolution na pumapayag sa mas marami pang mga negosyo na makapag-operate sakaling marami sa kanilang mga empleyado ang bakunado na kontra COVID-19.

Sa ngayon, hindi nakikita ni Bello na papabor ang kanyang sarili sa mandatory vaccination hangga’t sa magkaroon ng sapat na supply ng COVID-19 vaccines ang bansa.

Samantala, sinabi ni Bello na sa ngayon ay wala pa siyang natatanggap na mga reklamo laban sa mga employers na ginagawang mandatory sa kanyang mga empleyado ang pagpapabakuna kontra COVID-19.