-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nangangamba ang mga employers ng ilang mga overseas Filipino workers sa Kuwait sa posibleng total deployment ban na ipapatupad ng gobyerno kasunod ng kaso ng pagpatay sa isang OFW.

Sa ulat sa Bombo Radyo Iloilo ni Bombo International Correspondent Ma. Theresa Navarro, tubong Maasin, Iloilo at isang taon nang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Kuwait, sinabi nito na nag-panic din ang kanyang mga amo sa balita ng pagkamatay ng isang OFW sa kanilang lugar.

Ayon kay Navarro, kasunod ng kaso ni Jeanelyn Villavende ng Norala, South Cotabato na pinatay ng kanyang employer, nababahala na ang mga amo nito na baka pauwiin na ang lahat ng Filipino workers pabalik sa Pilipinas.

Ani Navarro, pitong Pinay ang nagtatrabaho sa pamilya ng kanyang mga employers kung kaya’t tiyak na malaki ang epekto sa kanila kapag magdeklara ang pamahalaan ng Pilipinas ng total ban.