Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi nila ipagpapaliban ang pagdedeklara sa mga nanalong kandidato sa kabila ng hirit ng ilang grupo dahil umano sa mga aberya sa halalan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kailangan ng formal complaint na magiging basehan kung nais ng ilang grupo na hindi muna maiproklama ang mga nanalong kandidato.
Dagdag niya, wala namang naging problema sa halalan maliban na lamang sa mga pumalyang vote counting machine (VCM) at mga nasirang SC o memory card na wala namang naging epekto sa botohan.
Hindi rin umano kailangang suspendehin ang proklamasyon dahil lamang sa mga espekulasyon.
Una nang hiniling ni Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines’ (CBCP) National Secretariat for Social Action sa Comelec na ipagpaliban muna ang proklamasyon sa mga nanalong kandidato dahil sa umano’y dayaan sa halalan.
Inakusahan ni Gariguez ang Comelec at Smartmatic na nagsabwatan para maisagawa ang dayaan sa May 13 elections.