-- Advertisements --
House of Rep
House of Rep/ FB post

VIGAN CITY – Obligado na ang mga establisyemento na magpatupad ng kanilang mga patakaran laban sa pambabastos dahil ganap nang batas ang Safe Streets and Public Spaces Act.

Nakapaloob sa nasabing batas na ipinagbabawal na ang pagsipol, pagkindat at iba pang catcalling sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin na isa sa mga nagsulat ng nasabing panukala, maaari na umanong maipaaresto sa mga otoridad ang mga taong bigla na lamang nang-aakbay at kumikindat sa mga pampublikong lugar.

Ipinaliwanag nito na ganap nang batas ang nasabing panukala dahil hindi umano ito napirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang buwan pagkatapos na maipasa ito sa kaniyang opisina.

Aniya, sakop umano ng nasabing batas ang mga kalsada, terminal, mga restaurant, pati na mga bar kaya obligado ang mga nasabing establisyemento na magpatupad ng mga patakaran laban sa iba’t ibang klase ng pambabastos, pati na sa mga eskwelahan.

Hindi na lamang din umano ang mga kababaihan ang maaaring magreklamo kaugnay nito dahil pati na mga miyembro ng LGBT community ay sakop nang nasabing batas.

Maliban pa dito, nakapaloob din sa batas na kasama sa mga pinaparusahan ang mga may kaugnayan sa online sexual harrassment, pati na ang mga sexual at sexist remarks sa internet.

Ang mga lalabag sa batas ay makukulong at magmumulta pa ng P10,000.