-- Advertisements --

Pinaghahanda na umano ng administrasyon ni US President Donald Trump ang lahat ng mga estado sa Amerika para sa pamamahagi ng potensyal na COVID-19 vaccine sa unang araw ng Nobyembre.

Batay sa liham mula sa US Centers for Disease Control and Prevention, umapela ito sa mga estado na alisin ang red tape na maaaring makapigil sa pagiging fully operational ng mga itatayong distribution centers sa oras na magkaroon ng bakuna.

Nakasaad din umano sa dokumento ang detaklyadong mga scenario para sa distribusyon ng dalawang hindi pa matukoy na vaccine candidates.

Magiging prayoridad din daw sa bakuna ang mga health care professionals, mga may edad 65-anyos pataas, at ang mga komunidad na may malaking panganib ng infection.

Sa ngayon ay sumasailalim pa sa clinical trials ang ilan sa mga posibleng maging bakuna laban sa sakit, kung saan ilan din sa mga ito ay nasa huling stage na ng testing.

Una nang nagpahiwatig si Dr Anthony Fauci, infectious disease expert ng US, na posibleng magkaroon na ng bakuna bago pa man matapos ang mga trial kung maging positibo ang resulta ng pagsusuri.

Sa kabila nito, nangangamba ang ilang mga dalubhasa na pulitika ang nasa likod ng anunsyo ng CDC, lalo pa’t nataon ang target na petsa ng ahensya dalawang araw bago ang presidential elections sa Amerika.