-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagsimula ng magsiuwian sa kani-kanilang mga probinsiya sa labas ng Baguio ang mga estudyante at transient residents na na-stranded sa lungsod.

Pinadali ng City Government ang koordinasyon nito sa mga lugar kung saan nanggaling ang mga nasabing estudyante at mga transient residents para sa mabilisang pag-uwi ng mga ito.

Nagpadala ang provincial government ng La Union ng mga bus mula sa Don Mariano Marcos Memorial State University na sumundo sa mga nasabing stranded residents mula La Union kung saan aabot na sa 100 ang mga nakauwing mga residente ng La Union mula dito sa Baguio.

Batay sa datus ng Baguio LGU, aabot sa 600 ang na-stranded na mga residente mula La Union na nagpalista sa kanila na gusto nilang umuwi.

Problema naman ngayon ang kinakaharap ng mga aabot sa 3,000 na gustong umuwi ng Pangasinan dahil sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang koordinasyon ng Baguio LGU sa kaukulang LGU.

Maliban sa mga estudyante, kasama sa mga transient residents ng Baguio na na-stranded ang mga trabahador at mga empleyado sa hotel and restaurant industry na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Ipinahayag din ng ilang mga residente mula Isabela, Nueva Viscaya, Tarlac at Manila ang kagustuhan nilang makauwi sa kanilang mga lugar.

Hiniling na din ni Isabela Vice Governor Faustino Dee ang inventory ng mga pangalan at detalye ng mga taga-Isabela na nandito ngayon sa Baguio gustong umuwi sa kanilang lugar.

Nagpapatuloy din ang koordinasyon ng Baguio LGU sa mga gobernador ng mga lalawigan ng Cordillera para sa pagbigay tulong at pagsundo sa mga estudyante at residente ng mga ito na na-stranded ngayon dito sa lungsod bagaman sa lalawigan ng Kalinga ay napag-usapan na magpapadala na lamang ang provincial government ng mga suplay para sa mga taga-Kalinga na nandito ngayon sa Baguio.

Una ng naglagay ng help desk sa Baguio City Hall para sa mga na-stranded sa lungsod.

Samantala, nagbigay naman ang LGU ng La Trinidad, Benguet ng libreng transportation services para sa pag-uwi ng aabot sa 200 na mga estudyante na na-stranded ngayon doon.

Partikular dito ang mga estudyant mula Tuba, Kibungan at Kapangan sa Benguet.