-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Buwis buhay na tinawid ng ilang mag-aaral at mga residente ang rumaragasang tubig-baha sa spillway papunta sa Barangay Sua-Igot sa lungsod ng Tabaco sa Albay.

Umapaw ang ilog dahil sa ilang araw ng nararanasang mga pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabaco City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head Gel Molato, agad naman ipinag-utos sa mga barangay official na ipagbawal muna ang pagdaan sa naturang spillway dahil labis itong delikado.

Aminado si Molato na naalarma ang lokal na pamalaan dahil sa sapilitang pagtawid ng mga sasakyan at mga mag-aaral dito.

Aniya, posibleng biglang umapaw ang lebel ng tubig at matangay ng malakas na agos ang mga tumatawid kung kaya’t mahigpit na ipinagbawal muna ang pagdaan dito.

Ayon kay Molato, para maiwasan ang ganitong mga paulit-ulit na problema, nakikipag-ugnayan na ang CDRRMC sa mga ahensya ng gobierno para sa pagsasaayos ng spillway upang malagyan ng maayos na daan at hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga dumadaan.

Maliban sa naturang barangay nakapagtala rin ng pagbaha sa mga barangay ng Oras at Baranghawan dahil sa walang patid na pag-ulan.