Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator at driver ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) at Public Utility Vehicles (PUVs) na dapat i-apply ang 20% na diskwento sa pamasahe ng mga estudyante kahit bakasyon at holidays.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, entitled ang mga estudyante sa 20% discount sa lahat ng pagkakataon kabilang ang holidays, weekends at bakasyon, 24/7 sa buong taon.
Nagbabala din ang LTFRB chief sa mga driver at operator sa mabibigat na parusang kakaharapin kapag makatanggap ang ahensiya ng reklamo ng hindi pagbibigay sa mga estudyante ng naturang diskwento minamandato sa batas.
Kabilang sa maaaring kaharaping sanctions ay multa, suspensiyon ng prangkisa o kaya ay pagpapawalang bisa sa prangkisa para sa paulit-ulit na paglabag.
Sinabi din ng opisyal na dapat din na pairalin ang parehong diskwento para sa mga senior citizen at PWDs kung saan ang mga lalabag ay mahaharap din sa kaukulang parusa.
Ginawa ni Guadiz ang naturang babala matapos makatanggap ng reports ng hindi pagsunod ng ilang mga tsuper ng PUV sa pagbibigay ng diskwento.
Kaugnay nito, hinimok ng LTFRB ang publiko na iulat ang mga insidente ng hindi pagsunod ng mga driver at operator.
Hinihikayat ang mga pasahero na magbigay ng detalyadong impormasyon, tulad ng plate number ng sasakyan, oras ng insidente, at anumang sumusuportang ebidensya tulad ng mga resibo o screenshot.
Maaaring isumite ang mga reklamo sa pamamagitan ng hotline ng ahensya o official social media page