-- Advertisements --

Nakiisa sa malaking kilos-protesta ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad sa paggunita ng ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.

Kung saan, makikita ang maraming grupo at samahan ng mga kabataan na sumama sa programang sinimulan kaninang pasado alas-tres ng hapon dito mismo sa monumento ng EDSA People Power.

Kapansin-pansin ang malalakas na pagsigaw ng mga katagang pagsingil sa kasalukuyang administrasyon at maging na rin sa panawagang litisin ang ikalawang pangulo ng bansa na si Vice President Sara Duterte.

Isa sa mga estudyante nakilahok sa naturang pagtitipon ay ang mag-aaral na si Eugenie Llorico na mula pa sa isang unibersidad sa lungsod ng Maynila.

Aniya, sobrang saya ng kanyang puso sapagkat siya’y narito upang ipahayag ang pakikiisa at ibinahagi pang ikinatuwa din nito ang pagkamulat sa tunay na kaganapan at sitwasyon ng bansa.

‘Ang importansya ng pag-aattend or pagdadalo sa mga gantong pakikibaka is yung pagkakaroon ng malay sa mga paligid natin lalo na sa politika… Ngayon sobrang saya ng puso ko, na lahat ng mga kabataan ngayon eh mulat sa katotohanan ng nangyayari sa paliid natin lalo na sa politika,’ ani Eugenie Llorico, isang estudyanteng nakiisa sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Habang ganoon din ang naramdaman ng magkakasamang estudyante na sina Jhonald, Ramjay at Samantha Faye. Anila, ang pagpunta rito ay nakapagbigay sa kanila ng lubos na pagkasiya o ‘fulfillment’ habang nagpupursiging maging isang ganap na guro sa kanilang pag-graduate.

Samantala, agaw atensyon naman sa ginanap na pagdiriwang ang isang lalaki na si Wilfredo Villanueva sapagkat ito’y may iwinawagayway pang bandila ng Pilipinas.

Ang naturang pagtitipon ng iba’t-ibang mga grupo sa pagdiriwang ng anibersayo ng EDSA People Power Revolution ay makikitang dinaluhan ng higit isang libong matapos mapuno ang isang kalsadang katabi ng monumento.