-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Halos 99% ng mga restaurant, shopping malls at iba pang commercial establishments sa Daegu City, North Gyeongsang Province sa South Korea, ay nagsara dahil sa epekto ng coronavirus disease (COVID)-19.

Ayon kay Bombo International Correspondent Norma Bonifacio-Macquait, tubong Barangay Cortes, Balete, Aklan ngunit kasalukuyang nakatira sa nasabing lugar, “ghost town” na ang Daegu City dahil halos lahat ay takot ng lumabas ng bahay.

Kahit ang mga paaralan ay pansamantalang isinara kaya naka-online at home schooling na lamang aniya ang mga mag-aaral sa takot na tamaan ng virus.

Dagdag pa ni Macquait, nagkakaubusan na rin ng face mask, alcohol, hand sanitizer at mga pangunahing pangangailangan dahil sa panic buying ng mga residente.

Samantala, nagpapagaling na lamang sa loob ng bahay ang mga taong nagkakaroon ng lagnat, sipon at ubo, sa takot na makasalamuha ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa mga ospital sa lugar.

Si Macquait hay nakapang-asawa ng Amerikanong sundalo na kasalukuyang naka-assign sa Daegu City.